Monday, January 28, 2008

KUNG MAGMAMAHAL KA...

Magmahal ka na lang, huwag kang maghintay ng kapalit at ng hindi ka masaktan...

Madalas kong sabihin sa sarili ko ito. Maski alam kong hindi naman totoo. Dahil nasasaktan pa rin ako maski anong gawin at isipin ko. Sa sulok ng puso ko'y naroon ang pag-asang baka mahalin din ako. Sayang naman, baka sakali, baka puwede, bakit naman ang hindi? Marami akong salitang nagbibigay ng pag-asa sa sarili ko. Maaaring false hope, pero pansamantala naman akong napapasaya.

Kadalasan kapag kuwentong pag-ibig na, kapag tungkol na dito ang isusulat ko, ang bobo bobo bobo ko na. Dahil wala akong salitang maitutumbas sa pagde-describe ko ng feelings. Walang eksaktong salitang magagamit kung susukatin ko iyon base sa pag-ibig na nararamdaman ko.

Wala. Sigurado akong wala.

Hindi ako magaling sumulat ng love letter kapag totoo ang nararamdaman ko. Korni. Baduy. Buhol buhol ang mga ideya at walang organisasyon. Parang basta makasulat lang. May masabi lang. Masabi lang na nakasulat ng love letter. Hindi rin nakakakilig. Walang magic o sprinkle. Basta wala. Parang walang kahulugan. Walang mensaheng magpapalambot ng puso o pupukaw sa isang natutulog na damdamin.

Hindi ko kayang mambola. Hindi ko kayang mag-imbento. Hindi ko kayang hanapin ang mga salitang magiging katumbas nito.

Wala, wala talaga. Dahil kulang talaga ang mga salita.

Kaya naisip kong sabihin sa sarili kong... kung magmamahal ka, magmahal ka na lang... huwag ka ng maghintay ng kapalit... dahil kung paanong walang salitang magiging katumbas, ay ganoon din ang pag-ibig na hinding hindi mo naman makakamit.

PAGLAKI KO, GUSTO KONG MAGING...

May isinusulat akong horror story, ang sequel ng Kalye Trese ng pamangkin kong si Pupu. Dahil busy siya sa pag-aaral ngayon at hindi na niya maharap muna ang pagsusulat, ang dakilang tita Glady niya ang umako ng kuwentong dapat sana'y siya ang gagawa. Sa pagitan ng mga deadlines at trabahong bahay, pakikipagchat at panonood ng dvd, may ilang sandaling natitigilan ako at nagtatanong sa sarili. Ito na lang ba ang gusto kong gawin sa buhay?

Ang magsulat, magsulat, magsulat at magsulat pa...

Marahil ang sagot ko ay isang malaking OO!

Noong nasa elementarya pa ako, tinanong ako ng isang guro kung ano ang gusto kong maging paglaki ko. Ang isinagot ko, gusto kong maging artista. Nagtawanan ang mga kaklase ko. Hindi ko alam kung bakit sila nagtawanan. Dahil ba sa nakakatawa ang sagot ko o dahil hindi naman ako mukhang artista talaga. Pero totoo sa loob ko ang sagot ko na iyon. Hindi ako nagpapatawa. Mukha lang kasi akong nagpapatawa. Mukha lang kasi akong tanga.

Lumipas ang panahon at hindi ako naging artista. Pero may mga naging karanasan naman ako sa pag-arte sa teatro. May isa akong shortfilm na nagawa at nanalo pa ng awards na ipinalabas sa iba't ibang kompetisyon, ang Juan Orasan, ang director ay ang aking kaibigan na si Ging. Sumunod na offer niya sa akin ay makikipaglips to lips daw ako sa harapan ng camera. Haha! Hindi ko iyon kinaya. Kaya ang agang natapos ng career ko sa pag-arte.

First year high school ako noon nang magdeklara ako ng panibagong pangarap o gusto kong maging paglaki ko. Gusto kong maging singer. At iyan ay dahil sa pagkahaling kong tumugtog ng gitara at pagkahilig na kumanta. May ilan pa nga akong sariling komposisyon. Pulos mellow rock at love song ang naging kanta ko noon dahil sa impluwensiya ng dalawa kong kapatid na lalaki na nagturo sa akin na maggitara. Pero marahil ay hindi naman ako kagandahan at kagalingang kumanta, o baka hindi ko naman totoo na gustong maging singer, kaya't hindi rin ako nagkaroon ng recording album. Hehe.


Sa masalimuot na mundong tinahak ko, ang dami kong tanong na hindi masagot-sagot. Hanggang sa isang araw ay tila may kung anong puwersang nagtulak sa akin para pagalawin ang bolpen sa pamamagitan ng imahinasyon. Para lang sumagot sa mga tambak na tanong tungkol sa buhay at pakikipagsapalaran ng isang malikot at maligalig na taong tulad ko. Isang araw, sinabi ko sa sarili ko, gusto kong maging writer. Wala akong direkta o tiyak na impluwensiya. Basta't kusa na lamang itong lumabas sa aking sarili. At isang araw, natagpuan ko ang sarili na nagmamakinilya at sumusulat ng nobelang may titulong MALALIM NA SUGAT, isang nobela na hanggang ngayon ay hindi pa rin napa-publish. Kung bakit, ewan ko. Basta't akin ang kuwentong iyon at hinding hindi ko ipapaangkin sa iba. Baka isang araw ay maisipan kong ilabas sa blog na ito, malay ko ba sa mood ko.

Ngayon ay manunulat na ako. Isang pangarap na nagawa kong tuparin hindi tulad ng naunawa kong dalawang pangarap. May ilang tanong lang na naglalaro sa isipan ko kung minsan-- kung naging artista ba ako, ano kaya ang mga papel na ginagampanan ko? At kung naging singer ako, ano naman kaya ang kantang kinakanta ko? Siguro... siguro lang naman, ang papel na ginagampanan ko ay ang mga tauhang isinusulat ko. At isang araw naman sa buhay ko, alam kong lalagyan ko ng tono ang mga linyang ito...

kung magmamahal ka, magmahal ka na lang... huwag ka ng maghintay ng kapalit at ng huwag kang masaktan.